
Umabot sa 171,653 ang kabuuang bilang ng manggagawa sa loob ng Subic Bay Freeport Zone noong 2025, ayon sa ulat ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA). Mas mataas ito ng 4.4 porsiyento kumpara sa 164,400 na naitala noong 2024, na nagpapakita ng patuloy na pagdami ng trabaho sa loob ng Freeport.
Ayon kay SBMA Chairperson at Administrator Eduardo Jose Aliño, ang pagtaas ng bilang ng empleyado ay resulta ng tuloy-tuloy na pagkuha ng mga kumpanya ng bagong manggagawa. Sa kasalukuyan, may 4,744 rehistradong kumpanya na nag-ooperate sa loob ng Subic Freeport.
Hinikayat naman ni Aliño ang mga naghahanap ng trabaho na bisitahin ang SBMA Career Portal kung saan makikita ang opisyal na listahan ng job vacancies mula sa mga locator ng Freeport. Maaari rin umanong tingnan ng mga aplikante ang bulletin board sa Subic Gym para sa iskedyul ng pagsusulit at job interviews.
Batay sa datos ng SBMA Labor Department, nananatiling pinakamalaking employer ang services sector na may 67.32 porsiyento ng kabuuang trabaho. Sinundan ito ng manufacturing na may 21.67 porsiyento, construction na may 7.36 porsiyento, at shipbuilding at marine-related services na may 3.64 porsiyento.
Sa pinanggagalingan ng mga manggagawa, nangunguna ang Olongapo City na may 70,769 empleyado sa Freeport, kasunod ang Zambales, Bataan, National Capital Region, Pampanga at Tarlac. Sa kabuuan, 70.60 porsiyento ng workforce ay lalaki habang 29.40 porsiyento naman ay babae, bagama’t sa manufacturing sector ay bahagyang mas marami ang babaeng manggagawa kaysa sa lalaki. Patuloy naman ang SBMA sa pagsasagawa ng job fairs at paglalagay ng job postings upang matulungan ang mga aplikanteng naghahanap ng trabaho.
The post 171,653 manggagawa sa Subic Freeport, naitala ng SBMA noong 2025 appeared first on 1Bataan.