Opisyal nang inilunsad ng Pamahalaang Bayan ng Pilar ang bagong CCTV System na binubuo ng 48 high-definition cameras sa kanilang Modern Palengke sa Barangay Panilao, bilang bahagi ng proyektong pinondohan sa ilalim ng FY 2024 Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF). Layunin ng sistemang ito na palakasin ang seguridad ng mga mamimili, empleyado, at ng buong operasyon sa palengke.
Ang proyektong “Supply, Delivery and Installation of CCTV System at Modern Palengke, Pilar, Bataan” ay nagkakahalaga ng ₱1.153 milyon at matagumpay na natapos noong Abril 24, 2025, habang isinagawa ang pormal na turnover at inagurasyon nito ngayong Hunyo 17. Ayon kay Mayor Charlie F. Pizarro, Jr., ang pagkakaroon ng CCTV sa palengke ay magsisilbing dagdag proteksyon at kapanatagan para sa mga mamamayan ng Pilar.
Pinuri naman ni DILG Bataan Provincial Director Belina T. Herman ang LGU Pilar sa patuloy na pagsuporta sa mga programa ng DILG at sa kanilang pitong beses na pagkapanalo sa SGLG. Dumalo rin sa turnover ceremony sina Vice Mayor Ces Garcia, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga pinuno ng lokal na departamento, at kinatawan mula sa DILG. Sa tala, pang-pito ang Pilar sa buong bansa sa mga LGU na agarang nakatapos ng proyekto sa ilalim ng FY 2024 SGLGIF.
The post 48 CCTV cameras, dagdag-seguridad sa modern palengke ng Pilar appeared first on 1Bataan.