Bilang bahagi ng 34th North Luzon Area Business Conference (NLABC), inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) katuwang ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Pamahalaang Lungsod ng Balanga ang “Likha ng Bataeño: NLABC Edition” sa Bataan Tourism Pavilion sa Lungsod ng Balanga.
Layunin ng nasabing aktibidad na itampok ang husay sa paggawa ng mga lokal na produkto mula sa mga artisanong Pilipino, gayundin ang pagbibigay-suporta sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan at mga karatig-rehiyon.
Makikita sa trade fair ang samu’t saring produktong pagkain at non-food items na gawa sa Bataan at iba pang bahagi ng Central at Northern Luzon, kabilang ang mga lokal na delicacy, likhang-kamay na produkto, at mga kasuotang gaya ng barong at Filipiniana.
Ang proyektong ito ay nagpapakita ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagsusulong ng lokal na ekonomiya, partikular sa pagbibigay ng oportunidad sa mga maliliit na negosyante na maipakilala ang kanilang produkto sa mas malawak na merkado.
Inaasahan ng mga organizers na ang ganitong mga inisyatibo ay magsilbing inspirasyon at tulong sa mga negosyanteng Bataeño at sa iba pang MSMEs upang mapalago pa ang kanilang kabuhayan at mapatatag ang sektor ng kalakalan sa buong rehiyon.
The post Likha ng Bataeño Trade Fair tampok sa 34th NLABC appeared first on 1Bataan.