
Pormal nang nilagdaan ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) at ng consortium ng Tubig Pilipinas Group, Inc. at FB Infrastructure Corporation ang isang 25-taong Joint Venture Agreement para sa rehabilitasyon, pagpapalawak, operasyon, at pamamahala ng water supply at sewerage system sa Freeport Area of Bataan.
Nilagdaan ang kasunduan noong Hulyo 23, 2026 nina AFAB Administrator at CEO Hussein P. Pangandaman, Tubig Pilipinas Group President Ryan Wesley T. Yapkianwee, at FB Infrastructure Corporation President Francesca Kasandra T. De Jesus.
Tinatayang ₱1.358 bilyon ang halaga ng proyekto na magpapalawak at magpapahusay sa water distribution network ng Freeport, kabilang ang modernisasyon ng wastewater at sanitation facilities upang matugunan ang patuloy na paglago ng mga negosyo, industriya, at komunidad sa lugar. Dumalo rin sa ceremonial signing si Public-Private Partnership (PPP) Center Deputy Executive Director Eleazar Ricote bilang kinatawan ni Executive Director Riza Blanco-Latorre.
Isasagawa ang proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) Code, na layong matiyak ang tuloy-tuloy, ligtas, at napapanatiling suplay ng tubig sa Freeport Area of Bataan. Kabilang din sa mga inaasahang benepisyo nito ang pagbawas ng polusyon, pangangalaga sa likas na yaman, at pagpapalakas ng imprastraktura bilang suporta sa patuloy ap ag-unlad at pamumuhunan sa FAB.
The post ₱1.358-B PROYEKTO, SISIMULAN PARA SA TUBIG AT SANITASYON SA FREEPORT AREA OF BATAAN appeared first on 1Bataan.