Gayon na lamang ang pasasalamat ni Mayor Raquel Garcia ng Lungsod ng Balanga sa maagap na pagtugon ng kanyang mga rescuers (CDRRMO) sa malalakas na ulan at pagbaha dala ng bagyong “Crising” nitong Sabado.
Sa pamamagitan ng kanilang rescue boat ay agad na narespondehan ang mga pamilyang inabot ng pagtaas ng tubig-baha sa Brgy. San Jose, kung saan ay agad din silang nasuri ng kanilang Health Emergency Management System (HEMS) staff para masiguro ang kanilang kalusugan.
Bukod dito ay inatasan din ni Mayor Garcia ang mga tauhan ng CDRRMO na umikot sa 25 barangay ng Lungsod para makita ang kanilang mga kalagayan at mabigyan nang sapat na tulong ang mga nangangailangan.
Pinuri ni Mayor Raquel ang mabilis at alertong pagkilos ng kanilang mga tauhan sa CDRRMO, CSWDO, CPOO, (CHO) sa pamamagitan ng Health Emergency Mgmt Office gayundin ang kanilang City Agriculture office, sa naging epekto ng bagyong Crising, na base sa kanilang inisyal na report ay minor crop damage lamang ang nangyari.
Nagpaalala si Mayor Garcia sa lahat ng kanilang mga barangay officials na sa ganitong sitwasyon ay dapat binabantayan nila ang kanilang mga kabarangay lalo na sa mga binabahang lugar at sundin umano ang mga advisories mula sa awtoridad para sa kaligtasan ng lahat.
The post Balanga CDRRMO umaksyon sa gitna ng kalamidad appeared first on 1Bataan.