Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang P10.86-milyong isang-palapag na multi-purpose facility sa bayan ng Orion, na magsisilbing lugar para sa mga aktibidad at pagtitipon ng komunidad.
Matatagpuan sa 1Bataan Village sa Barangay Daan Pare, may lawak na 342 square meters. ang pasilidad na ito at naglalayong mapalakas ang interaksyon at pakikisalamuha ng mga residente sa housing community.
Ayon kay DPWH Bataan 2nd OIC-District Engineer Roland Rainier Victorino, kayang tumanggap nang higit 6,600 pamilya ang pasilidad, kabilang ang mga biktima ng sunog noong 2019 sa Barangay Capunitan at iba pang informal settlers.
“Dati ay kinakailangang bumiyahe pa ng mga residente para makadalo o magsagawa ng community activities dahil walang angkop na pasilidad sa kanilang lugar. Ngayon, mayroon na silang maaasahang lugar para sa mga ganitong gawain,” ani Victorino.
Idinagdag niya na maaari ring gamitin ang pasilidad para sa mga gawaing panrelihiyon, kaya’t magiging isang mahalagang bahagi ito ng komunidad. Pinondohan sa ilalim ng 2024 national budget, nagtataglay ang proyekto ng mga comfort room, ilaw, at maayos na bentilasyon upang matiyak ang pagiging functional at accessible nito para sa mga residente.
The post DPWH nagtayo ng multi-purpose facility para sa mga biktima ng sunog at informal settlers appeared first on 1Bataan.