Patuloy na nangunguna ang Gitnang Luzon sa produksyon ng palay at iba pang produkto sa agrikultura, na nag-aambag ng 18 porsiyento ng kabuuang pambansang produksyon noong 2023 na umabot sa 3.63 milyong metriko tonelada.
Sa isang episode ng Kapihan sa Bagong Pilipinas, iniulat ni DA OIC-Regional Executive Director Eduardo Lapuz Jr. na nangunguna rin ang rehiyon sa produksyon ng sibuyas, karne ng manok, karne ng itik, at itlog ng itik. Para sa 2024, nakapagtalaga ang DA Central Luzon ng P9.04 bilyon na budget para sa iba’t ibang programa, kung saan mahigit 60 porsiyento ay nakalaan para sa programa sa palay. Kabilang sa mga proyekto ang P2 bilyon na susuporta sa farm-to-market road (FMR) projects at iba pang locally funded initiatives.
Noong 2023, nakapagpamigay ang ahensya ng P2.22 bilyong halaga ng mga binhi at P931.52 milyong halaga ng pataba sa mga magsasaka. Naglaan din ang DA ng P249.79 milyon para sa makinarya at kagamitang pang-agrikultura, at P78.06 milyon para sa mga serbisyo ng irigasyon, na nakinabang ang libu-libong mga magsasaka at kooperatiba sa rehiyon. Bukod dito, nagtayo ang ahensya ng 56 FMR projects noong 2023, na nagdulot ng malaking pagbabago sa rural infrastructure sa Gitnang Luzon.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang kooperatiba sa suporta mula sa DA. Ang mga interbensyon tulad ng pagbibigay ng buto, makinarya, at kagamitan ay nakatulong sa mga magsasaka na malampasan ang mga hamon ng pagbabago ng klima at pabagu-bagong presyo. Ang mga proyekto at plano ng DA Central Luzon ay naglalayong pataasin pa ang produksyon at pagandahin ang kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon.
The post Gitnang Luzon, pinakamahusay sa produksyon ng palay appeared first on 1Bataan.