
Matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na Cervical Cancer Screening Program sa bayan ng Hermosa, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month sa ilalim ng kampanyang “WE for Gender Equality and Inclusive Society.” Dinagsa ito ng kababaihan na nagnanais magpasuri para sa kanilang kalusugan.
Layunin ng programa na palawakin ang kaalaman ng kababaihan tungkol sa kahalagahan ng Pap smear bilang mabisang paraan ng maagang pagtuklas at pag-iwas sa cervical cancer. Sa loob ng dalawang araw, mahigit 300 kababaihan ang sumailalim sa screening, na nagpapakita ng lumalaking kamalayan sa usaping pangkalusugan.
Pinangunahan ang aktibidad ni Municipal Health Officer Dr. Warren S. Valencia, katuwang ang mga healthcare workers mula sa Hermosa RHU at DOH Central Luzon HRH. Naging katuwang din ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Anne Adorable-Inton, kasama ang MSWD, PhilHealth YAKAP, at Yakult sa pagsuporta sa nasabing programa.
The post Libreng cervical cancer screening, dinagsa ng kababaihan sa Hermosa appeared first on 1Bataan.