Mahigit 30 exhibitors mula sa iba’t ibang extension programs at proyekto ng Bataan Peninsula State University – Extension and Training Services Office (BPSU-ETSO) ang lumahok sa 3rd ETSOPreneur Trade Fair na ginanap sa BPSU Main Campus.
May temang “Empowering Communities: Showcasing Innovations and Products of BPSU Extension and Training,” itinampok sa dalawang araw na trade fair ang mga serbisyong pangkabuhayan at produktong nabuo mula sa iba’t ibang pagsasanay, na naglalayong palakasin ang pagnenegosyo at pag-unlad ng ekonomiya sa komunidad.
Ayon kay BPSU President Ruby Santos-Matibag, layunin ng unibersidad na palawakin pa ang kanilang extension activities upang maabot ang mas maraming pamayanan at makilala nang mas malawakan. Umaasa siyang ang mga inisyatibang ito ay magdadala ng mas malaking benepisyo sa mga kasali.
Samantala, binigyang-diin ni ETSO Director Bernadeth Gabor ang kahalagahan ng pagsasagawa ng mga programang nag-uugnay sa akademya at industriya upang higit na mapaunlad ang mga komunidad.
Isa sa mga exhibitors ay ang Bataan District Jail (BDJ) Male and Female Dormitory, na nagbenta ng mga handcrafted bags, pitaka, bracelet, kuwintas, at handmade coconut shell coin banks na gawa ng mga persons deprived of liberty (PDLs). Ayon kay BDJ Female Dormitory Development Officer, Jail Officer I Merry Joy Terrible, nakakatulong ang pagbebenta ng mga produktong ito upang magkaroon ng kita ang mga PDLs at masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan pati na rin ang kanilang pamilya.
Kabilang din sa mga itinampok sa trade fair ang iba’t ibang produktong pang-agrikultura, tissue paper paintings na gawa ng mga persons with disabilities, basahan, potholders, at iba’t ibang pagkaing inihanda ng mga kalahok.
Isa rin sa mga exhibitors ang Kababaihan ng Sumalo, na nagpakita ng kanilang mga lokal na produkto bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga kababaihan sa kanilang komunidad.
The post Mahigit 30 exhibitors, lumahok sa 3rd ETSOPreneur Trade Fair ng BPSU appeared first on 1Bataan.