Daan-daang kawani ng provincial capitol at mga pinuno ng mga ahensya ng gobyerno ang nagsama-sama sa Bataan Peoples Center noong ika-12 ng Hunyo bilang pakikiisa sa paggunita ng ika-126 na taon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pinangunahan nina Gov. Jose Enrique S. Garcia III, Vice Gov. Cris Garcia at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, ang isang makabuluhang programa na sinimulan sa isang maiksing panalangin. Sa kanyang mensahe ay binigyang diin ng gobernador ang pagsasabuhay ng isang tunay na Filipino na nagmamahal sa kanyang lupang tinubuan.
Naging panauhing pandangal naman si Kongresista Gila Garcia ng Ikatlong Distrito ng Bataan sa programa ukol sa “Araw ng Kasarinlan” sa bayan ng Dinalupihan na dinaluhan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Mayor German “Tong” Santos at Vice Mayor Fernando Manalili.
Muling ipinaalala ni Congresswoman Garcia ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng pagsasaka gamit ang mga makabagong pamamaraan at teknolohiya gaya ng pagsusuri sa tamang uri ng lupa para sa angkop na halaman.
Sa Barangay Alion, bayan ng Mariveles masayang idinaos ang zumba na tinampukan ng mga kababaihan mula sa iba’t-ibang sektor. Lalong naging makulay ang zumba event dahil sa mga “pakulo” o patimpalak na isinagawa ni Punong Barangay Al Balan, pangulo ng pederasyon ng mga punong barangay sa Mariveles.
The post Mga kawani ng pamahalaan nagsama-sama sa Araw ng Kalayaan appeared first on 1Bataan.