Ikinatuwa ni Vice Mayor Ron del Rosario na dahil sa kanilang Municipal Ordinance No. 18, series of 2023, “An Ordinance Prescribing Bagac Environmental Fee for Sustainable Environment, Setting Guidelines for the Implementation, and Imposing Penalties in Violation thereof”, ay kumita nang humigit-kumulang sa P2.2 M ang Bagac, mula buwan ng Abril hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan.
Ang nasabing ordenansa ay ang pagpapataw nila ng environmental fee na P40.00 sa bawat turista, lokal o dayuhan na bibisita sa alinmang resort or tourist spot sa kanilang bayan. Pangunahing layunin ng nasabing Ordenansa magkaroon ng disiplina ang mga may-ari ng resort, pati na kanilang mga empleyado at maging mga turista sa pagpapanatili ng kalinisan sa loob at labas ng kanilang resort.
Ayon pa kay Vice Mayor Ron, sayang nga raw, dahil nasimulan lang nila ang implementasyon nito matapos ang “peak season” kung kaya, hindi nila nasapul ang pagdating ng maraming turista sa kanilang bayan, gayunpaman ay natutuwa pa rin sila sa positibong resulta nito.
Sa ngayon ay tinatalakay nila ang pagdaragdag ng mga empleyado para mas mapabilis ang tamang pagtatapon at koleksyon ng basura mula sa iba’t ibang resort; at kung sakali’t lumaki na umano ang pondo nito ay bibili naman sila ng isa pang dump truck para mapabilis pa ang koleksyon ng kanilang basura.
Ang paghahati-hati ng kabuuang halaga ng ecological fund na isang special fund, batay sa nasabing Ordenansa, ay10% ng total gross collection nito ay mapupunta sa host barangay na siyang mangongolekta ng basura sa mga resort sa kanilang nasasakupan, 10% ay mapupunta sa administrative expenses, 10% ay mapupunta sa local treasury at ang 70% ay gagamitin sa mga proyekto at programang may kinalaman sa pangangalaga sa kapaligiran ng buong bayan.
The post P2.2M ecological fund, kinita ng Bagac mula sa mga turista appeared first on 1Bataan.