Nasa ikalawang taon na ng pagdiriwang ng quarterly birthday celebrations ng mga senior citizens ang bayan ng Dinalupihan, na ayon kay Mayor Tong Santos ay hindi lamang paggunita sa mga kaarawan ng ating mga lolo at lola, ito rin umano ay pasasalamat at pagbibigay pugay sa lahat ng kanilang mga naiambag, sa kanilang pagsisikap at sakripisyo noong kabataan nila.
Sinabi pa ni Mayor Tong na kada buwan sa kanilang pag iikot para hatiran ng P20k ang mga senior citizens na umabot na sa edad na nobenta, natutuwa umano siya na tila lalo silang lumalakas sa mga ibinibigay nilang mga programa. At dahil prayoridad nga nila ang mga senior citizens kung kaya’t sa budget nila para sa taong 2024 na P344M, ang P83M umano nito ay inilaan para sa kalusugan, lalo ng mga senior citizens.
Laging hinihikayat ni Mayor Santos ang kanilang matatanda na magpatingin sa alinman sa anim (6) na RHU na malapit sa kanilang barangay kung anuman ang nararamdaman nila, dahil bukod sa kanilang mga doktor, may magagandang pasilidad at libreng mga gamot lalo na para sa maintenance ng matatanda.
Sa nasabing pagdiriwang, gayon na lamang ang kasiyahan ng mga seniors dahil may masarap na pagkain, kantahan, sayawan, raffle, cash gift at groceries para sa lahat. Laging sinasabi ni Mayor Tong na, kapag may pananalig, paniniwala at takot sa Diyos, laging may darating na biyaya at ligtas sa anumang kapahamakan.
The post Sa Dinalupihan, prayoridad ang mga senior citizens appeared first on 1Bataan.