Umarangkada na ang pagtatayo ng Samal Economic Zone sa 275,000 metro kuwadradong lupain na sakop ng mga Barangay Lalawigan at Tabing-Ilog sa Samal, Bataan.
Ito ay matapos lumagda noong Marso 25, 2025 sina Administrator Hussein Pangandaman ng Authority of the Freeport Area of Bataan at Chief Operating Officer Ferdinand Mercado ng High Tech Global Cement Corporation sa isang kasunduan para sa pagpapatayo ng Samal Economic Zone.
Sa ilalim ng kasunduan, gagawin ng High Tech-Global ang pagsasayos ng lupa na may 17-hektarya para pagtayuan ng mga kumpanyang industriyal sa mga darating na taon at ito ay alinsunod sa expansion program ng AFAB na nakapaloob sa RA No. 1143 na may kinalaman sa pagpapalawak ng Freeport Area sa mga bayan ng Bataan.
Ang naturang expansion program ay naayon din sa land use ordinance ng Samal na inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Samal. Ang naturang ordinansa ay nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan ng Samal na maglaan ng lupa para sa AFAB expansion program.
Sinabi ni Samal Mayor Alex Acuzar na ang naturang programa ay bilang paghahanda para sa paparating na mga mamumuhunan mula sa iba’t ibang panig ng bansa. “Ito ay magbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan at hindi na kailangan pang mangibang-bayan sapagkat nandito na mismo sa Samal ang mga kumpanya sa darating na mga taon,” paliwanag ni Acuzar.
The post Samal Economic Zone umarangkada na appeared first on 1Bataan.