
Isinusulong ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang posibleng sister port agreement sa pagitan ng Port of Subic at Port of Antwerp-Bruges matapos ang pagbisita ng delegasyon mula sa Embahada ng Belgium sa Pilipinas noong Marso 16, 2026 sa Subic Bay Freeport.
Pinangunahan ni Belgian Ambassador Vladislava Iordanova ang delegasyon kasama ang mga opisyal ng Port of Antwerp-Bruges International (PoABI). Sa pulong, iniharap ng SBMA sa pamumuno ni Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño ang panukala upang higit pang mapalakas ang ugnayan, kalakalan, at kooperasyon ng dalawang pantalan.
Kilala ang Port of Antwerp-Bruges bilang isa sa pinakamalalaking daungan sa mundo at pangunahing sentro ng petrochemical sa Europa, habang patuloy namang umaangat ang Subic Bay Freeport bilang investment hub na may presensya ng iba’t ibang kumpanyang Europeo na may milyon-milyong dolyar na kapital, na inaasahang lalo pang lalago sa pamamagitan ng planong kasunduan.
The post SBMA, Belgium tinututukan ang Sister Port Deal sa Subic appeared first on 1Bataan.












