Buong suporta at optimismo ang ipinahayag ng mga opisyal ng Bataan matapos muling pagtibayin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ang pagpapatuloy ng konstruksyon ng Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB) na magsisimula bago matapos ang taon.
Ayon sa Pangulo, ang 32 kilometrong tulay na tatawid sa Manila Bay ay magpapaiksi sa biyahe mula Mariveles, Bataan hanggang Naic, Cavite mula limang oras tungo sa 30 hanggang 45 minuto na lamang, bilang bahagi ng mga proyektong pang-imprastruktura na layong pag-ugnayin ang mga rehiyon at pasiglahin ang kaunlaran.
Malugod na tinanggap nina Bataan 2nd District Representative Albert Garcia at Gobernador Jose Enrique Garcia III ang anunsiyo ng Pangulo, na kanilang itinuring na malaking hakbang para sa kalakalan, turismo at pag-unlad ng Lalawigan.
Iginiit ni Congressman Garcia na ang dating pangarap na proyekto ay nagiging realidad na, habang sinabi ni Governor Garcia na ito ay makasaysayang hakbang tungo sa mas maunlad na buhay ng bawat pamilyang Bataeño.
Kabilang ang BCIB sa flagship projects ng national government sa ilalim ng “Build Better More” program. Inaasahan itong magdudulot ng higit 20,000 trabaho sa konstruksyon at post-construction, at magsisilbing tulay ng masiglang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Central Luzon at CALABARZON.
The post Suporta sa Bataan-Cavite Interlink Bridge, muling pinagtibay sa SONA 2025 appeared first on 1Bataan.