Isa sa mga pangunahing proyekto ni Mayor-elect Erik Martel ng Abucay ay ang pagpapatatag ng seguridad sa pagkain at agrikultura sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Israel.
Kamakailan ay pormal siyang lumahok sa study visit na “Promoting Sustainability & Food Security in Urban Centers” na isinagawa sa MATC Training Center sa Shefayim, Israel. Kasama si Martel sa delegasyon ng 17 alkalde mula sa Pilipinas na inimbitahan ng Embahada ng Israel sa Maynila.
Layon ng programa ang pagtuklas ng mga makabagong solusyon upang matugunan ang hamon ng food security sa mga lumalawak na urban communities.
Ayon kay Mayor-elect Martel, ang pagdalo niya sa nasabing pagsasanay ay hakbang tungo sa pagbubukas ng mas modernong sistema ng agrikultura sa Abucay, na magbibigay benepisyo hindi lamang sa mga magsasaka kundi pati na rin sa mga mamamayan sa aspeto ng abot-kayang pagkain at sapat na suplay.
Pinangunahan ng ahensyang MASHAV ang nasabing inisyatibo bilang bahagi ng internasyonal na kooperasyon sa pagitan ng Israel at Pilipinas. Para kay Martel, ang ganitong ugnayan ay higit pa sa palitan ng kaalaman—ito ay konkretong hakbang para sa pagpapatibay ng teknolohiyang agrikultural, pagpapanatili ng kalikasan, at pag-abot ng isang mas matatag na kinabukasan sa larangan ng pagkain at kabuhayan sa kanyang bayan.
The post Mayor-elect Martel, isinusulong ang proyektong agrikultural appeared first on 1Bataan.