Limampung Samaleño ang maaaring manalo ng tig-iisang libong piso kung sila ay makikiisa sa programang Bakunahan Bayanihan sa Barangay na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan ngayong July 20, 2022.
Ayon sa LGU-Samal, sa pamumuno ni Mayor Alex Acuzar, ang pakikiisa kaugnay sa programang ito ng lokal na pamahalaan ay sa pangangasiwa ng Samal Municipal Health Office.
Sa naturang programa maaaring manalo sa gaganaping raffle ng 1,000 piso ang mapalad na mabubunot kada araw.
Ayon naman kay Bataan Governor Joet Garcia, sa ilalim ng programa magsasagawa ng sabayang pagbabakuna sa lahat ng itinalagang vaccination sites sa 11 bayan at isang lungsod ng Bataan mula Hulyo 20 hanggang 25, (maliban lamang sa araw ng Linggo) simula alas-otso ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.
Ayon pa kay Garcia, sa kabila nang malaking antas na ng eligible population ng Bataan ang nabakunahan na ng primary doses, nais nitong ipaalala sa lahat ang kahalagahan ng pagpapaturok ng 3rd at 4th doses o booster shots bilang karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19.
Kasabay ng pagbabakuna ay magsasagawa rin ng daily raffle draw sa lahat ng vaccination sites kung saan maaring manalo ang mga nabakunahan ng cash prizes mula sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Niliwanag ni Garcia na tanging ang mga residente lamang sa vaccination site na pinuntahan ang eligible na manalo sa raffle draw kaya’t hinimok na magpabakuna sa nakasasakop na vaccination site sa kanilang lugar.
Ang lahat ng nabakunahan, nanalo man sa daily raffle draw o hindi, ay kasali pa rin sa grand raffle draw na isasagawa naman ng Pamahalaang Panlalawigan makalipas ang nabanggit na anim na araw.
Ang raffle draw ay mapapanood sa official Facebook page ng provincial government at magkakaloob ng mga mahahalagang pa-premyo ayon pa sa Gobernador.
The post 50 libong pisong papremyo sa Bakunahan sa Samal appeared first on 1Bataan.