Sumailalim sa dalawang araw na Fisheries Law Enforcement Training (FLET) workshop ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nasa humigit-kumulang sa 70 aspiranteng opisyal ng Bantay Dagat (BD) sa Bataan.
Layunin nito na mapalakas ang mga kasanayan at kakayahan ng mga deputized at potensyal na fish warden mula sa mga lokal na pamahalaan (LGU) sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa pangisdaan sa municipal waters bilang isa sa mga hakbang upang mapangalagaan ang mga yamang-dagat at masolusyonan ang mga problemang kaugnay ng illegal, unreported, at unregulated fishing.
Ayon kay BFAR Regional Director Wilfredo Cruz, mahalagang magtatag, magkaloob at magpakilos ng mga grupo upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga batas sa baybayin at pangisdaan.
“Ang FLET workshop ay magpapabuti sa kakayahan ng mga LGU na ipatupad ang kanilang awtoridad sa kanilang municipal waters at ihanda ang mga potensyal na fish warden para sa kanilang mga tungkulin sa pagtitiyak ng pagsunod sa mga batas at regulasyon sa pangisdaan,” dagdag niya.
Ang BD ay isang community-based law enforcement program na nag-eengganyo sa mga mangingisda sa mga baybayin o barangay na boluntaryong tumulong sa pagtukoy at pagpapatupad ng illegal fishing sa coastal waters.
Ang mga dumalo sa pagsasanay ay mula sa mga bayan ng Samal, Orion, at Mariveles.
The post 70 aspiranteng Bantay Dagat nagsanay appeared first on 1Bataan.