Nasa 84 na indibidwal sa Bataan ang nakatanggap ng livelihood kits mula sa Department of Trade and Industry (DTI) ngayong taon sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) Program.
Sa isinagawang Kapihan kasama ang local media, iniulat ni DTI Bataan Senior Trade Industry Development Specialist at Information Officer Teresita Magtanong na ang PPG ay isang livelihood seeding at entrepreneurship development program para sa mga micro-enterprises, na inuuna ang mga lugar na apektado ng mga insidente ng sunog at iba pang kalamidad, kabilang ang mga armadong labanan at health disasters. Kabilang din sa tumanggap sa lalawigan ang mga batang negosyante, mga displaced individuals at mga katutubo (IPs).
“Sa pamamagitan ng PPG, ang DTI Bataan ay nagbigay ng livelihood kits na nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa sa 35 benepisyaryo ng bigasan package, 3 benepisyaryo ng sari-sari store package, at 1 recipient ng agricultural supply mula sa Balik Probinsya May Pag-asa Program,” sabi pa ni Magtanong.
Nagbigay din ng livelihood kits na nagkakahalaga ng P15,000 sa anyo ng baking supplies at equipment sa 30 IP sa mga bayan ng Mariveles at Dinalupihan, at 15 batang negosyante mula sa Bataan Peninsula State University (BPSU).
Nakatakdang igawad ng ahensya ang 549 pang livelihood kits na nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa sa mga lumikas na indibidwal at dating rebelde noong Oktubre.
The post 84 Bataeño tumatanggap ng livelihood kits mula sa DTI appeared first on 1Bataan.