Nasa 400 medical patients ang nakatakdang simulang bigyan ng financial assistance sa darating na Biyernes (July 5) sa Bayan ng Abucay.
Ito ang naging pagtitiyak nitong Lunes ni Abucay Mayor Robin Tagle matapos ang kauna-unahang tradisyunal na flag-raising ceremony na pinangunahan niya bilang bagong alkalde ng naturang bayan.
Sa panayam ng media kay Mayor Tagle ang mga tatanggap ng ayudang P5,000 bawat benepisyaryo ay pawang mga cancer patients at yung mga nagda-dialysis.
Aniya, nagmula ang pondo kay Senator Bong Go na umaabot na ngayon sa P5 milyon.
“Nauna siyang nagbigay noong panahon ng lockdown ng P2 milyon, marami pa siyang naitulong bukod doon at nung malaman niyang nanalo ako bilang Mayor ng Abucay ay nagbigay pa ulit siya ng karagdagang P3 milyon,” pahayag pa ni Mayor Tagle.
Humiling din si Mayor Tagle kay Pusong Pinoy Congressman Jett Nisay at Bataan Governor Joet Garcia ng karagdagan pang pondo para dito para aniya mas marami pang Abukenyo ang maabot ng tulong pinansyal lalo na ang mga may problema sa kalusugan.
Kasama din sa mabibiyayaan ni Mayor Tagle sa ibibigay na tulong ng Kapitolyo at ni Congressman Nisay ang mga nasa hanay ng transportasyon lalo na ang mga tricycle at jeepney drivers na labis na naapektuhan nang walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Bukod sa dialysis center, isinasaayos din ni Mayor Tagle katuwang ang Sangguniang Bayan ng Abucay sa pamumuno ni Vice Mayor Roberto “Wangbu” Pabustan Jr., ang pagmo-modernize ng kanilang mga laboratoryo sa mga rural health units sa bawat barangay.
The post Ayuda sa mga pasyente, tiniyak ni Mayor Tagle appeared first on 1Bataan.