Simula sa Hunyo 20 ng taong ito ay ipatutupad na ang bagong minimum wage rate sa Central Luzon matapos itong pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission at pagkalathala sa lokal na publikasyon.
Base sa Wage Order No. RBIII-23, nag-uutos ito ng P40 na pagtaas sa pang-araw-araw na minimum na sahod ng mga manggagawa sa mga pribadong establisimyento sa Central Luzon.
“Ang P40 na umento ay ibibigay sa dalawang tranches— P30 sa bisa ng wage order noong Hunyo 20 at isa pang P10 na epektibo noong Enero 1, 2023,” paliwanag ni Regional Tripartite Wages and Productivity Board Chairperson at Department of Labor and Employment Regional Director Geraldine Panlilio.
Sa bisa ng wage order, ang bagong arawang minimum na sahod sa mga lalawigan ng Central Luzon maliban sa Aurora ay magiging P450 para sa mga non-agriculture establishments na may 10 o higit pang manggagawa at P443 para sa mga establisyimento na may mas mababa sa 10 manggagawa.
Bukod dito, ang mga manggagawa sa plantasyon sa mga agricultural establishments ay tatanggap ng pang-araw-araw na minimum na sahod na P420 habang ang mga non-plantation workers ay tatanggap ng P404. Ang pang-araw-araw na minimum na sahod sa mga retail/service establishments na may 10 o higit pang manggagawa, sa kabilang banda, ay magiging P439 habang ito ay P425 sa mga establisyimento na wala pang 10 manggagawa.
Sa Aurora, ang daily minimum wage rate para sa non-agricultural workers ay P399 simula Hunyo 20.
Ang pang-araw-araw na minimum na sahod ng mga manggagawa sa plantasyon sa mga agricultural establishments ay magiging P384 habang P372 para sa mga non-plantation workers.
Ang mga manggagawa sa retail at service establishments sa lalawigan ay tatanggap ng pang-araw-araw na minimum na sahod na P334.
Samantala, ang mga kasambahay o domestic workers sa Central Luzon ay makakatanggap din ng dagdag sa kanilang buwanang sahod sa Hunyo 20.
Sa ilalim ng Wage Order No. RBIII-DW-03, ang bagong buwanang sahod sa mga chartered cities at 1st class municipalities ay P5,000 habang P4,500 sa ibang munisipalidad.
The post Bagong minimum wage rate sa Central Luzon, epektibo na appeared first on 1Bataan.