Matagumpay na naidaos nitong Huwebes ang Candidates’ Forum 2022 na inorganisa ng Bataan PPO in partnership with Bataan Provincial Advisory Council, NUJP Bataan Chapter, Lions Club, Rotary Club at ng DepEd.
Noong umaga ay nagpahayag ng kani-kanilang mga katugunan ang mga mayoralty candidate sa bawat tanong na ipinukol sa kanila ng mga panelists gayundin ang mga vice mayoralty candidates nito namang hapon ng nasabing araw.
Tatlong panelists mula sa sektor ng business, academe at media ang “gumisa” sa mga kandidato na kinabibilangan nila Ms Joanne Lobrino, President-elect ng Rotary Club of Balanga at Associate Professor IV mula sa Hospitality Management, College of Business and Accountancy ng BPSU; Mr. Bryan Santos Supervising Administrative Officer/OIC Director ng Bataan School for the Arts at Mr. Mhike Cigaral, Central Luzon Reporter ng DZXL 558 RMN Manila, Bataan Correspondent ng iOrbitNews, FrontpagePH, radio anchor sa Poweradio 104.5FM at senior writer ng 1Bataan News.
Sa mga kandidato sa pagka alkalde ay dumalo sina Hermosa Mayor Jopet Inton, Limay Mayor Nelson David, Samal Mayor Aida Macalinao, Abucay Vice Mayor Robin Tagle, businessman Alex Acuzar (Samal mayoralty candidate), former Limay Mayor and candidate Ver Roque kasama ang kanyang maybahay na si Bataan 2nd District congressional candidate Laissa Roque, BM Rey Ibe (Orani mayoralty candidate), at Orion Mayor Antonio Raymundo Jr.
Sa mga tumatakbong vice mayor ay dumalo sina Dr. Kaye Alonzo-Gaza ng Hermosa, Roy Samson at Jayson Marcelo ng Abucay, Engr. Budz Santos ng Pilar, Vice Mayor Richie David at Obet Roque ng Limay, at Coun. Ronnie Ortiguerra ng Samal.
“Parte po ito ng ating programa sa Task Group sa Police Community Relations. Isa po ito sa activities para sa conflict mediation and diffusion process nang sa ganun masiguro natin sa mga kandidato na mailahad nila ang kanilang mga plataporma sa pagtakbo sa pulitika,” pahayag ni Bataan Police Director, Police Col. Romell Velasco.
The post Bataan Candidates’ Forum 2022, idinaos appeared first on 1Bataan.