Sa kanyang ikalawang Bisita Bayan, na ginanap sa bayan ng Bagac, binigyang-diin ni Gob. Joet Garcia sa kanyang mensahe ang magandang ugnayan sa pagitan ng yunit pamahalaang lokal at Pamahalaang Panlalawigan upang maging mas epektibo sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.
Ang programang ito ay naglalayong matugunan ng Pamahalaang Panlalawigan ang pangangailangan ng mga yunit pamahalaang lokal, sa kabila ng limitasyon sa mga maaaring pagkukunan.
Subalit, kung tayo ay magtutulungan, ay maisasagawa natin ang ating nagkakaisang layunin na makapaghatid nang mas maraming de kalidad na serbisyo publiko.
Nabanggit din ni Gob. Joet ang mga pangunahing pinagkakagastusan ng bawat pamilyang Bataeno gaya ng pabahay, pagkain, tubig, koryente, telepono, at transportasyon, na tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan, hindi man napakabilis, para maibsan ang bigat ng mga nasabing pangangailangan.
Ayon pa rin kay Gob. Joet, may programa na tayo na 1Bataan Village, para sa pabahay.
Nakikita natin na napakaliit ng kita ng mga magsasaka kaya patuloy na pinag aaralan kung papano mapalalaki ang kita ng ating mga magsasaka.
Sa iba pang gugulin tulad ng kuryente, tila daw nagtatrabaho tayo para lang mabayaran ang bill ng PENELCO, subalit sa pamamagitan ng Smart Grid, sa mga darating na panahon ay liliit na ang babayaran natin sa bill ng kuryente.
Natutuwa din si Gob. Joet na ang bayan ng Bagac ay gumagamit na ng modernized buses subali’t ang pangarap umano ng Lalawigan ay magkaroon na tayo ng mga electric vehicles, na tayo mismo sa Pamahalaang Panlalawigan ang magtatayo ng mga solar powered charging stations para matiyak na bababa ang bayad sa pasahe.
Sa huli ibinalita ni Gob.Joet ang programang healthy paaralan at healthy life style para humaba pa ang buhay ng mga Bateno.
The post Bisita Bayan simbolo ng pagnanais na makatulong appeared first on 1Bataan.