Inatasan ni Mayor Liberato Santiago si Municipal Administrator Engr. Estoy Vergara, na masusing pag-aralan ang paglalagay ng ilaw sa Judge Jose Ganzon Avenue na mas kilala sa tawag na Catmon road.
Ayon kay Mayor Santiago bagama’t ang nasabing daan (4-lanes) ay maayos at sementado na katapat lang halos ng kanilang bagong munisipyo, ang kahabaan umano nito ay madilim sa gabi at maaaring maging accident prone area, kung kaya’t nais niya na malagyan na ito ng mga poste na may ilaw bago mag tag-ulan para maiwasan ang mga aksidente.
Dagdag pa ng butihing Mayor, na maraming sasakyan, pribado at pampubliko ang dumaraan dito patungong Samal at Orani na umiiwas sa trapik sa, kung kaya’t inaasahang dodoble pa ang bilang ng mga sasakyang daraan dito kapag ito ay nailawan pa.
Ayon naman kay Mun. Administrator, Engr. Estoy Vergara, nagkaroon na sila ng pakikipag-ugnayan sa PENELCO, hinggil sa pagpapailaw sa nasabing daan.
Upang makatipid sa kuryente, ang lahat umano ng poste sa kaliwa ay gagamit ng kuryente mula sa PENELCO samantalang lahat naman ng poste sa kanan ay gagamit ng solar lights.
The post Catmon Road sa Abucay, paiilawan appeared first on 1Bataan.