Sa isang simpleng pagdiriwang nitong nakaraang Biyernes, pinangunahan ni Mayor Francis Garcia ang pagdiriwang sa ika-23 taong Anibersaryo ng Cityhood ng Balanga, kung saan ay pinasalamatan niya sina Cong. Abet Garcia at Gov. Joet Garcia na nagsikap na maisulong ang pagiging siyudad ng Balanga.
Kasabay ng nasabing pagdiriwang ay ang paggunita sa ika-127 taong kamatayan ni Dr. Jose Rizal bilang isang martir. Ayon kay Mayor Francis, naging inspirasyon at ehemplo ng lahat ang kabayanihan ng ating pambansang bayani sa patuloy na pag-unlad ng siyudad ng Balanga at maging ng buong lalawigan ng Bataan.
Ayon naman sa panauhing tagapagsalita na si G. isagani de Leon, pangulo ng Boy Scout of the Philippines (BSP) Bataan Chapter, hindi umano mapasusubalian ang pagiging bayani ni Dr. Jose Rizal sa pagtutol nito sa paggamit ng dahas upang labanan ang dayuhang mananakop. Ang kailangan umano natin ay edukasyon para mapalakas ang bawat isa, hindi nadadaan sa dahas ang lahat dahil ito ay pagyurak sa dangal ng bawat Pilipino.
Samantala dahil papalapit na ang bagong taon, nanawagan si Mayor Francis sa sambayanang Balangueno na iwasan ang paggamit ng paputok para makaiwas sa anumang sakuna na dala nito sa bawat pamilya at ipagdiwang ang pagsalubong sa 2024 na ligtas at magkaroon pa ng masaganang pamumuhay ang bawat Pamilyang Bataeño.
The post Cityhood ng Balanga, ipinagdiwang appeared first on 1Bataan.