Sinuportahan ni Gob. Chiz Escudero ang balak ni Gob Abet Garcia na pagtatayo ng College of Medicine sa Bataan.
Ayon kay Gob. Escudero nasimulan na umano nila ito sa kanilang Sorsogon State University, na ayon pa sa kanya, pwedeng ring isa-alang-alang ni Gob. Abet ang kanilang Residency Program sa family medicine na naka-tie up sa Association of Family Medicine practitioners sa kanilang bayan.
Paliwanag pa ni Gob. Chiz, ang mga pasadong doktor na nagpapratice para sa kanilang specialisation ang nagsisilbing mga residente sa kanilang mga ospital sa loob ng apat na taon, kung kaya’t sa ngayon ay hindi umano nila problema ang mga doktor.
Sinabi naman ni Gob. Abet na katuwang ng probinsya sa itatayong College of Medicine ay ang Bataan Peninsula State University.
Bagama’t isa umano sa kinakailangan para sa isang College of Medicine ay Hospital set-up, hindi na umano natin kailangang magpagawa pa ng isang ospital dahil ang gagamitin ay ang dating Orani District Hospital.
Ito ay pagagandahin, kukumpletuhin ang mga gamit at lalagyan na lamang ng mga silid-aralan, habang ang Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang siya namang magiging training hospital.
Ayon pa kay Gob Abet, ang mga anak ng Bataan na gustong maging doktor o health professionals ay mga “home grown” na. At sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law, maraming kakailanganing mga nurses at doktor, na dito na sa atin manggagaling.
Ang kaganapang ito ay sang-ayon sa layon ng pamahalaang panlalawigan na mas pahabain at gawing mas masaya ang buhay ng bawat Bataeno.
The post College of Medicine sa Bataan, suportado ni Gob. Chiz appeared first on 1Bataan.