Walang kapaguran si Congresswoman Gila Garcia ng Ikatlong Distrito ng Bataan, sa pagpapaunlad ng ugnayan sa pagitan ng ating 1Bataan farmers at malalaking supermarkets.
Nitong huling linggo ng Pebrero ay panauhin ni Cong. Gila ang matataas na opisyal ng MENSCH Fil-am Corporation sa pangunguna ng Pangulo nito na si Raquel Simon at Chairman Carl Hochman kung saan ay ipinagmalaki niya ang ating 1Bataan farmers sa mga bayan ng Dinalupihan at Hermosa.
Nagpakita ng interes ang mga panauhin nang makita nila ang magagandang tanim na mga pipino, sibuyas at kamatis sa bayan ng Dinalupihan, gamit ang teknolohiya ng drip irrigation, na dahil sa precision farming ay walang nasasayang na tubig at abono lalo na sa panahon ng tagtuyot; nabibigyan pa umano nito nang pantay-pantay na pangangailangan sa tubig at abono ang mga tanim na halaman kaya’t gayon na lamang ang dami ng mga bunga nito kumpara sa tradisyonal na pamamaraan ng pagsasaka.
Dinala din ni Cong. Gila ang mga panauhin sa taniman ng pinya ni G. Luis Nate at taniman ng sibuyas ng mga magkakapatid na Macalino sa bayan ng Hermosa.
Ayon kay Cong Gila mahalaga na personal na makita ng mga opisyal ng Mensch Fil-am Corporation ang ating modernong pagsasaka at kalidad na mga produkto dahil ang kumpanyang ito ay hindi lamang nagsusuplay ng gulay sa malalaking supermarkets sa bansa kundi nag e export din sa Japan, Korea at Middle East.
Malaking bagay umano na magustuhan nila ang ating mga ani dahil malaking tulong ito sa ating mga magsasaka.
Nakasama din sa nasabing gawain sina DA Central Office Consultant Atty Joycel Panlilio, DA Central Office Project Development Officer Jeffrey Rodriguez, Engr Johanna Dizon, mga MAO sa Hermosa at Dinalupihan at 1Bataan AITC Administrator Abigail Cruz Catapang.
The post Cong. Gila, buo ang suporta sa mga magsasaka appeared first on 1Bataan.