Hindi lamang dahil ngayon ay panahon ng Kapaskuhan kundi talagang nais ng Mariveles Municipal Health Office sampu ng mga opisyal ng Pamahalaang Bayan na mabigyan ng serbisyo ang kanilang mga kababayang “persons deprived of liberty” at maipadama din sa kanila ang pagmamalasakit sa pagkakaroon ng dental at medical mission, sa Mariveles Municipal Jail sa Barangay Mt. View nitong huling araw ng Nobyembre.
Sa pangunguna ni Mayor AJ Concepcion, kasama sina Vice Mayor Lito Rubia, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at buong puwersa ng Munincipal Health Office ay bumisita sila sa nasabing pasilidad. Nagsagawa ng iba’t ibang laboratory exams, medical check- up at dental check up sa humigit-kumulang na 30 inmates. Matapos ang pagsusuri, binunutan ang iba ng ngipin; nakatanggap sila ng mga libreng gamot at vitamins gayundin dental at personal hygiene kits.
Sinabi ni Mayor Concepcion na patuloy nilang bibigyan ng atensyon ang kanilang kondisyon gayundin ang pasilidad na kanilang kinalalagyan, upang tiyakin na ito ay maayos. Samantala, nagpahayag din si Vice Mayor Lito Rubia at mga kasama sa Sangguniang Bayan ng kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang mga kababayan, na anila’y mga biktima lamang ng sirkumstansya ng lipunan.The post Dental at medical mission para sa mga PDLs appeared first on 1Bataan.