Nasa testing period na sa loob ng Munisipyo ng Abucay ang pagsisikap ng naturang bayan para maging “digitalized municipality.”
Sa panayam ng 1Bataan News kay Municipal Mayor Robin Tagle, iniulat niya ang mga naging pagpupulong kasama ang ilang opisyal ng Smart Communications Inc. para sa gagamiting teknolohiya para rito.
Sa naturang sistema, ang mga importanteng anunsiyo ng LGU Abucay tungkol sa lagay ng panahon, suspensyon ng pasok sa eskwela at mga tanggapan, job openings at maging mga inter-office memoranda ay ipadadala sa mga smartphones na ang message sender ay “LGU-Abucay.”
Iniulat din ni Mayor Tagle ang pakikipag-usap para sa posibleng partnership naman ng LGU-Abucay sa Globe Telecoms particular sa GCash application para sa mga cashless, digital, at online transactions sa munisipyo sa pagbabayad ng amilyar o real property taxes, mayor’s permit at iba pang legal na bayarin sa local government units.
“Iniulat sa akin ng Globe na ang Abucay pala ang may pinakamaraming GCash transactions (cash-in and cash-out) sa buong Bataan, pangalawa lang ang Balanga City,” sabi pa ni Mayor Tagle.
The post Digitalization ng LGU Abucay, sinisimulan na appeared first on 1Bataan.