Dahil isa sa mga prayoridad ni Mayor AJ Concepcion ng Mariveles ang kalusugan, hindi lamang siya aktibo sa Bayanihan, Bakunahan sa Barangay, isinusulong rin niya ang Tuberculosis Awareness upang ang sakit na TB ay matuldukan na.
Kamakailan naman ay dumalo siya sa presentasyon ng DBP Data Center kung saan ay inilalatag dito ang maganda at mabilis na sistematikong pamamaraan ng Electronic Health Record System na magagamit sa Municipal Health Center at mga Rural Health Units para mapabilis ang serbisyong pangkalusugan.
Base sa presentasyon, sa E-health Record System, isang pindot lamang sa computer, mabilis na lalabas ang history ng pasyente, kailan siya huling nagpa-check up o mga nakaraang kondisyon ng pasyente gayundin mga gamot na ibinigay o inireseta ng doctor.
Kung kayat nasabi ni Mayor Concepcion na dahil mas bibilis ang check-up o konsultasyon, mas maraming pasyente ang makatatanggap ng serbisyo. Ayon pa kay Mayor Concepcion, nais niyang maramdaman ng kanyang mga kababayan ang maganda at mabilis na serbisyong pangkalusugan dahil iyan ang kanilang pangangailangan.
Kasama sa nasabing pulong sina Dr. Hector Santos, hepe ng Mariveles District Hospital, Konsehal Ivan Ricafrente, Committee Chair on Health, Konsehal Vonnel Isip, Konsehal Dan Banal at iba pa.
The post Electronic health record system, gagamitin sa Mariveles appeared first on 1Bataan.