Nakapagtala ang Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) ng “remarkable improvements” sa pagganap ng operasyon nito ngayong taon sa kabila ng napakalaking hamon ng pandemya na dulot ng Covid-19.
Ito ang naging tampok sa isinagawang ikalimang State of the Freeport Address (SOFA) ni AFAB Administrator Engr. Emmanuel Pineda nitong Miyerkules sa auditorium ng AFAB administration building.
Aniya, noong Agosto 2022, nakapagtala ang AFAB ng 96 na registered locators na nag-ooperate sa Freeport Area ng Bataan (EAB) na lumikha ng 37,261 trabaho Samantala, sa ilalim ng bagong batas, maaari nang mag-operate ang FAB hindi lamang sa Mariveles kundi maging sa natitirang 10 bayan at isang lungsod sa Bataan. Inaprubahan na rin ayon kay Pineda ang mga FAB Registered Enterprises sa 17 FAB expansion areas o FEAs.
Ang FAB, na dating Bataan Export Processing Zone na natatag noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay naging Bataan Economic Zone. Naging Freeport Area of Bataan ito sa bisa ng batas na nalikha na ang pangunahing may akda ay si Congressman Abet Garcia ng Bataan 2nd District habang ang FAB expansion naman sa buong Bataan ay naging posible sa panukalang batas na iniakda naman ng ngayon ay Gobernador at dating 2nd District of Bataan Representative Joet Garcia.
Nitong Agosto 2022 ay nakapagtala ng mga investments na inaprubahan ng AFAB Board sa halagang P935 milyon, export value na nagkakahalaga ng $571.2 milyon, port revenue na P571 milyon, at P392-milyong badyet na inilaan naman para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Sa kanyang SOFA, binigyang-diin ni Administrator Pineda ang naging action plan ng AFAB na tinatawag na “SOFT HEART” o socially relevant, operationally viable, financially feasible, technologically advanced – housing, expansion areas, accessibility, renewable energy and transportation.
The post FAB patuloy ang progreso sa kabila ng pandemya appeared first on 1Bataan.