Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang farm-to-market road (FMR) projects sa lalawigan ng Bataan. Matatagpuan ang mga ito sa Alas-asin sa bayan ng Mariveles at Cabog-cabog sa Lungsod ng Balanga.
Ayon sa ulat ni DPWH Bataan 2nd District Engineer Ulysses Llado, ang 750-lineal meter na Alas-asin FMR ay nagpapagaan sa pasanin ng mga residente sa pagdadala ng kanilang mga produkto at kasabay nito ay nagpapababa sa mga gastos sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng kanilang mga sasakyang pang-transportasyon. P9.95-million ang inilaang pondo para sa road development project. “Inaasahan din ng mga magsasaka ang mas magandang kita dahil sa pinabuting FMR dahil maaari na nilang maihatid ang kanilang ani sa mga kalapit na pamilihan sa mas mababang halaga,” dagdag pa ng opisyal.
Bukod dito, ang 852-lineal meter na Cabog-cabog FMR ay nag-uugnay sa rural na komunidad sa pangunahing kalsada kaya tinitiyak ang ligtas at maginhawang paglalakbay papunta at mula sa mga sakahan ng barangay. “Isang 1,035-lineal meter slope protection structure ang itinayo upang maiwasan ang mga madulas na kalsada at embankment erosion, at kasabay nito ay tumulong na mapanatili ang kondisyon ng kalsada,” paliwanag ni Llado.
Nasa P14.925 milyon ang inilaan para sa two-lane concrete road. Ang parehong FMR ay ipinatupad sa ilalim ng convergence program ng DPWH kasama ang Department of Agriculture.
The post FMR projects sa Bataan, tinapos na ng DPWH appeared first on 1Bataan.