Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang paggunita sa ika-234 na kaarawan ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa bayan ng Orion nitong Sabado, Abril 2.
Naging highlight nito ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Balagtas pati na rin ang pagtatanim ng mga katutubong punongkahoy at mga halaman na sumisimbolo sa pagsibol ng mga bagong makatang buhat sa inspirasyon ng kanyang panulat.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ng Tagapangulo ng KWF na si Arthur Casanova ang kahalagahan ng paggunita sa buhay at mga pamanang akda ni Balagtas.
Dagdag pa ni Casanova, ang mga ito ay dapat pag-aralan upang mabalikan ang nakaraan sa pamamagitan ng panitikan pagkat ito ang naghuhubog sa mga pangarap, mga pangamba, mga suliranin, at mga nais marating sa hinaharap.
Dagdag pa niya, ang mga pamanang akda ay nakapagbibigay ng maraming ambag na natututunan hanggang sa kasalukuyang hinaharap na suliranin ng bawat isa.
Si Balagtas ay isinilang sa lalawigan ng Bulacan at ikinasal sa isang dalagang nakatira sa bayan ng Orion.
Ayon pa sa kasaysayan, sa Bataan na siya nanirahan at naging produktibo sa kanyang sining na nagsilbing inspirasyon sa ilan sa kanyang mga akda tulad ng “Florante at Laura”.
The post Ika-234 na kaarawan ni Balagtas, ginunita sa Bataan appeared first on 1Bataan.