Sa ginanap na Kasalang Bayan sa Hermosa nitong nakaraang Miyerkoles, 40 maswerteng pares ang ikinasal ni Mayor Jopet Inton. Tumayong ninong sina Gov. Joet Garcia na kinatawan ni Michelle Caraig, Bokal Tonyboy Roman at ninang naman si Mayora Anne Inton.
Sa panayam sa ilang ikinasal, sinabi nilang nagpapasalamat sila kay Mayor Jopet Inton sa kanyang programa na Kasalang Bayan, dahil bukod sa libre ang lahat, mula sa singsing, bouquet, litrato sa kasal at masaganang reception may mga regalo pa mula kina Mayor Jopet Inton at Mayora Anne, mga ninong at ninang at naging legal pa ang pagsasama nilang mag asawa at mga anak.
Ayon kay G. Renato Cabrera, 64 taong gulang, biyudo at ikinasal kay Nenita Lorenzo, 56 taong gulang, biyuda, hindi nila akalain na hahantong sila sa kasalan dahil sa dami ng pagsubok na kanilang kinaharap. Matapos malampasan ang lahat nang ito, dito nasabi ni Renato na, “Totoo pala ang Pag ibig” dahil gagawin mo ang lahat nakasama lang ang minamahal mo.
Sa seremonya ng kasal, paulit ulit na tinanong ni Mayor kung kusa ba at totoo sa kanilang sarili ang pagpapakasal dahil kapag natapos na ito, ang kanilang pagsasama ay nasa ilalim na ng batas. Lalong binigyang linaw ito ni Mayora Anne Inton ng sabihin niyang, ang presensya nila sa kasalang iyon ay patunay na nagmamahalan sila, ibig sabihin mula sa puso, pero ang desisyon na magpakasal ay mula sa isip na pinagaralan nila at dinisisyunan,na wala nang ayawan.
Nagpasalamat naman si Mayor Inton sa pagdalo ni PSA Regional Director Ma. Rosario dela Rosa at sa mahusay nilang LCR Officer na si Marylin Velos.
The post Kasalang bayan 2024 sa Hermosa appeared first on 1Bataan.