Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos,Jr. ang paggagawad ng mga katibayan sa paglilipat ng pagmamay-ari ng mga disente at ligtas na pabahay ” sa 216 na benepisyaryo ng NHA-Balanga City Housing Project, na simbulo ng katuparan ng kanilang pangarap.
Ang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan sa pagitan nina NHA Manager Joeben Tai, Balanga City Mayor Francis Garcia, Cong. Abet Garcia, Gov. Joet Garcia at buong suporta ni Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng Dept. of Human Settlements and Urban Development sa pamumuno ni Sec. Rizalino Acuzar .
Sa kanyang mensahe buong puso ang pasasalamat ni Mayor Francis Garcia kay Pangulong Marcos Jr, sa napakalaking tulong na ibinigay nito sa kanyang mga kababayan upang mailipat sila sa isang ligtas, maayos at disenteng tahanan.
Sinabi naman ni Cong. Abet na pipilitin nila na makompleto ang lahat ng mga pasilidad sa nasabing housing village, tulad ng daan, covered court, daycare center at iba pang pangangailangan para sa isang, maayos maginhawa at ligtas na komunidad. Hinikayat nya rin ang mga benepisaryo na huwag sayangin ang pagkakataong ito at maging mabuting kapitbahay sa lahat.
Ayon naman kay Gov. Joet, malaking tulong si DHSUD Sec. Jerry Acuzar na isang taga-Bataan sa pagsusulong ng nasabing proyekto na may 100% suporta mula kay Pangulong Marcos Jr . Natatandaan pa umano niya noong una nilang kausapin ang mga tao na nag iiyakan at nakikiusap na huwag silang paalisin sa kanilang dating kinalalagyan sa tabi ng ilog. Ngayon umano ay nag iiyakan pa rin sila subali’t ito ay luha na ng kagalakan.
Malinaw na sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang mensahe na sa pamamagitan ng NHA housing project ay natupad na umano ang pangarap ng ating mga kababayan. Hangad ng Pangulo ang pag-unlad ng komunidad kasabay ang isang maliwanag at masayang Pilipinas kung kaya’t marami pa umanong ipatatayong pabahay sa buong bansa.
The post Katuparan ng pangarap appeared first on 1Bataan.