Uumpisahan na ngayong taon ang konstruksyon ng P175 bilyon Bataan-Cavite Interlink Bridge na mag-uugnay sa Timog at Hilagang Luzon, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pulong ng mga mamahayag sa Malacanang, sinabi ni DPWH Secretary Emmanuel Bonoan na ang naturang tulay ay magpapabilis sa biyahe mula Manila hanggang Bataan sa loob lamang ng 40 minuto mula sa dating limang oras dahil sa mabagal na trapiko.
Ang pagtatayo ng 32-kilometrong tulay ay popondohan ng Asian Development Bank at ito umano ay matatapos sa loob ng limang taon.
Mag-uumpisa ang tulay sa Barangay Alas-asin, sa bayan ng Mariveles, Bataan at sa panig naman ng Cavite, sa Barangay Timalan, sa Naic, Cavite.
Nauna nang sinabi ni Congressman Abet Garcia na ang naturang tulay, kapag nayari ay lalong magpapaunlad sa ekonomiya hindi lamang sa Bataan kundi sa buong Gitnang Luzon.
Dahil dito, sinabi pa ni Cong. Garcia na puspusan na ang ginagawang pagsasaayos ng Roman Superhighway na siyang pangunahing daanan ng mga sasakyang pang komersiyal sa buong Bataan.
The post Konstruksyon ng Bataan-Cavite Interlink Bridge uumpisahan na appeared first on 1Bataan.