Pinangunahan ni Engr. Ricardo Herrera ng Provincial Assessor’s Office ang isang public consultation hinggil sa panukalang 2026 Schedule of Market Values (SMV) noong ika-16 ng Hulyo sa The Bunker, Balanga City. Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang yunit pamahalaang lokal (LGUs), Bureau of Local Government Finance, Bureau of Internal Revenue – RDO 20, Department of Agriculture, Provincial Treasury Office, mga Provincial Assessors ng Zambales at Tarlac, gayun din ng mga kinatawan mula sa pribadong sektor kabilang ang Petron Corporation, San Miguel Corporation, GN Power, at iba pa.
Ang public consultation ay bahagi ng mandato ng Republic Act No. 12001 o Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA), na nagtatakda ng standardisadong batayan para sa patas na pagbubuwis sa mga ari-arian. Tuwing ikatlong taon ay inaatasan ang mga assessors na i-update ang SMV upang masigurong naaayon ito sa aktuwal na merkado, bagay na mahalaga hindi lamang sa buwis kundi pati sa appraisal, mortgage, at iba pang transaksyon sa mga bangko at ahensya ng gobyerno.
Tiniyak din ni Ginoong Mabini R. Pulido Jr, Assistant Provincial Assessor ng Bataan, na ang paghahanda ng SMV ay dapat isagawa ng mga lisensyadong real estate appraisers upang matiyak na ito ay naaayon sa teknikal na pamantayan, makatotohanan, at makatarungan.
Layunin ng nasabing konsultasyon na ipabatid ang proposed SMV at kunin ang pananaw ng mga stakeholders upang ito’y maiangkop sa mga polisiya ng lokal na pamahalaan. Patuloy ang Bataan sa pagtupad sa isinasaad ng batas, na mahalaga sa patas na koleksyon ng buwis at pondo para sa mga serbisyong pampubliko.
The post Konsultasyon para sa Proposed 2026 Market Values appeared first on 1Bataan.