Sa ilalim ng temang”Pasko ng Pamilyang Mariveleños, nanguna ang bayan ng Mariveles sa pagdaraos ng Christmas Lighting sa taong ito sa buong lalawigan. Ito ay ginanap noong nakaraang Biyernes.
Ayon kay Mayor AJ Concepcion bilang hudyat ng Kapaskuhan ay binuksan nila sa isang simpleng seremonya ang mga pailaw sa Belen, malaking Christmas tree at lahat ng iba’t ibang ilaw at disenyong pamasko sa buong paligid ng munisipyo na sinimulan sa isang misa ni Rev.Fr. Christopher Alday.
Nagbigay ng makahulugang mensahe sina Cong. Gila Garcia ng 3rd district, Pusong Pinoy Party list Representative Jett Nisay gayundin sina Mayor AJ Concepcion, Vice Mayor Lito Rubia at ang mga bumubuo ng Sangguniang Bayan ng Mariveles.
Bukod sa masasayang tugtuging Pamasko ng Mariveles brass band, mga awitin ng Mariveles Municipal Choir, at hataw zumba ay naging masayang bahagi rin ng programa ang presentasyon ng Christmas Music Video ng mga opisyal at kawani ng bayan ng Mariveles. Dagdag ni Mayor AJ Concepcion, nais nilang iparating sa pamamagitan ng Christmas music video sa lahat ng pamilyang Marivelenos ang pagmamahalan at pagkakaisa bilang diwa at simbolo ng Pasko.
Naging tampok sa pagtatapos ng programa ang fireworks display na labis na ikinatuwa nang lahat ng manonood.
The post Mariveles, nanguna sa Christmas Lighting 2022 appeared first on 1Bataan.