Sama-sama at masayang ipinagdiwang ng mga Samaleño ang ika-381 taon ng pagkakatatag ng kanilang bayan na talagang ibinuhos ang saya dahil sa pagka-uhaw sa nakaraang dalawang-taon ng pandemya na hindi ito ginanap.
Inabangan ang pagtatanghal ng Mutya ng Samal 2022 subali’t higit na naging tampok ang Mayor’s Night dahil sa parangal na nakuha ng Samal bilang pang apat na bayan sa buong lalawigan na nakapagtala ng pinakamataas na koleksyon ng buwis, kung kaya’t binigyan ng pagkilala ang mga natatanging mamamayan at organisasyon na naging bahagi ng matatag na ekonomiya ng Samal.
Iginawad ang parangal sa Top 10 o sampung pinakamahuhusay na establisimyento sa bayan ng Samal na nagbabayad ng buwis, Top 5 na mahuhusay na negosyo na nagbabayad ng buwis, Top 5 ng mga pinakaunang nagbayad ng buwis o “early birds” at ang Top 10 na mga nangungunang SME’s (small/medium enterprises).
Sa kanyang mensahe pinasalamatan ni Mayor Aida Macalinao ang lahat na mga negosyante na patuloy na nagtataguyod sa matatag na ekonomiya ng Samal gayundin sa lahat ng mga mamamayan na kanyang pinasalamatan dahil muli ay binigyan sila ng pagkakataon na magkasama-sama para ipadama sa bawa’t isa ang isang mapagpalang bukas.
Sinimulan ang pagdiriwang ng Araw ng Samal sa isang makulay na parada na nilahukan ng lahat ng sektor ng lipunan sa nasabing bayan, Nagdaos din ng Ecumenical Night, Lakas Muscle Showdown, Gabi ng Pasiklaban para sa mga natatanging talento ng mga Samaleno at bilang pagtatapos sa mga gabi ng pagdiriwang, nagkaroon ng fireworks display na talaga namang ikinatuwa ng lahat maging bata o matanda.
The post Mga negosyante binigyan ng pagkilala appeared first on 1Bataan.