Limampu’t anim (56) na negosyante sa bayan ng Pilar ang lumahok sa “Kainan sa Gedli”, na bahagi ng dalawang linggong selebrasyon ng Kasinagan Festival bilang pagpupugay sa kanilang patron, Nuestra Señora del Rosario, para sa kanilang kapistahan sa Oct. 12, 2024.
Upang opisyal na buksan ang nasabing festival, isang simpleng ribbon-cutting ang ginanap sa pangunguna nina Mayor Charlie Pizarro, Vice Mayor Ces Garcia, mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Pilar. Ito ay sa gitna ng kasayahan ng mga Pilarians na matikman ang mga pagkain gayundin ang iba’t ibang produktong ipinagmamalaki sa kanilang bayan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Vice Mayor Ces Garcia na ginagawa nila ang nasabing festival, na nasa ikatlong taon na, para mabigyan ng pagkakataon ang mga namumuhunan sa kanilang bayan na ipakita at ipagmalaki ang kanilang masasarap na pagkain at mahuhusay na produkto tulad ng jeremy lechon, fresh buko, longganisa, burger, shawarma, at barbecue.
Ito rin umano ay para ipakita ang magandang samahan ng Pamahalaang Bayan ng Pilar at mga namumuhunan dito.
Ipinagmalaki naman ni Mayor Charlie Pizarro na marami pang nakatutuwang mga programa ang naka-line up sa mga susunod na araw tulad ng motor show para sa mga car, tricycle at single motor enthusiasts; street dancing na umiilaw ang mga nagsasayaw; indak sa kalye para sa mga kabataang mahilig sa hiphop; trade fair at mga artista sa Oct. 19, 2024.The post Mga negosyante, lumahok sa “Kainan sa Gedli” appeared first on 1Bataan.