Sa isang Press Con ng Phil. Statistics Authority na ginanap noong ika-4 ng Hulyo sa The Plaza Hotel Balanga City, sa pangunguna ni G. Richard Guevarra, Supervising Statistical Specialist, humingi sila ng pang-unawa at suporta sa lahat partikular na yaong mga na-rehistro ng taong 2020 at unang buwan ng 2021, na hindi pa nakatatanggap ng kanilang ID dahil binigyang prayoridad ng kanilang opisina ang mga low income families at may ilulunsad umano silang PhilSys mobile App na maaring gamitin habang hinihintay ang aktwal na ID card.
Sa lalawigan ng Bataan na may population na 854k, may target sila na 774, 485 (hindi kasali rito ang mga batang edad 5 pababa) subali’t sa maraming kadahilanan ay 575, 333 pa lamang ang nairehistro nila.
Karaniwan sa mga dahilan, lalo na sa mga bata ay kulang sa mga dokumento gayundin sa kanilang mobile registration; hindi sila ma-accommodate ng mga barangay o bayan dahil sa dami umano ng mga gawain ng mga ito lalo na nitong nakaraang eleksyon.
Samantala, sa mga nagsasabi na ayaw umanong tanggapin sa bangko ang national ID dahil wala itong lagda, sinabi ni G. Guevarra na ang lagda at iba pang impormasyon ng taong nagmamay-ari ng ID ay nakapaloob sa QR code, at kinakailangan ang digital verification upang makita dahil ang national ID ay dinisenyo ayon sa mas moderno at mataas na antas ng seguridad para maka-iwas sa forgery, fraud o identity theft.
Sa kabila ng mga limitasyong dala na rin ng pandemya tiniyak ng PSA na kanilang ipagpapatuloy na gawin ang kanilang mandato na pagrerehistro, produksyon at pagdedeliber ng national ID sa milyun-milyong Pilipino.
The post Mga tanong ukol sa National ID, nilinaw ng PSA appeared first on 1Bataan.