Hinikayat ni Bataan 3rd District Representative Maria Angela Gila Garcia ang mga magsasaka sa Bataan na gamitin ang drip irrigation sa pagtatanim ng mga high value crops.
Ito ang naging bahagi ng kanyang talumpati sa isinagawang “Farmers Field Day” nitong Biyernes sa tatlong farms sa Barangay Daan Bago at San Simon sa Dinalupihan, Bataan.
Ang drip irrigation ay isang Israeli farming technology, na isang uri ng micro-irrigation system na may potensyal na makatipid ng tubig at mga sustansya sa pamamagitan ng pagpapahintulot ng tubig na tumulo nang dahan-dahan sa mga ugat ng mga halaman, mula sa itaas ng ibabaw ng lupa o nakabaon sa ilalim ng ibabaw.
Ang layunin ay ilagay ang tubig nang direkta sa root zone at mabawasan ang pagsingaw.
Ang mga drip irrigation system ay namamahagi ng tubig sa pamamagitan ng isang network ng mga valve, pipe, tubing, at emitters.
Sa naturang technology demonstration ay ipinakita sa mga bisita mula sa Department of Agriculture at mga kinatawan ng iba pang ahensya ang mga ready-to-harvest na kamatis, white onions at cucumbers.
“Ipinapakita natin dito ang advantage ng paggamit ng modern farming technology sa pagtatanim ng mga high value crops,” pahayag ni Cong. Garcia.
Ayon naman sa magsasakang si Ricky Naguiat, 10 times ang naging kita nila sa pagtatanim ng kamatis kumpara sa pagtatanim ng palay.
“Noong ini-introduce pa lang ito noon ni then Mayor Gila, marami ang napataas ang kilay dahil parang napakaimposible daw pero noong nag-rollout ito at alam ng mga pilot farmers ay talagang nakita nila ang pagkakaiba ng modernong agrikultura sa traditional farming na nakasanayan natin na mas mahirap, mas matrabaho, mas kaunti ang produksyon at mas kaunti ang kita,” sabi naman ni Dinalupihan Mayor Tong Santos.
“Talagang napaka-ambitious ang project pero noong dumating ang panahon na talagang nagha-harvest ng maganda lalong lalo na noong nagmahal ang presyo ng sili ay talagang tuwang- tuwa ang mga farmers,” dagdag pa ni Mayor Santos.
Sinimulan ang proyektong ito sa 10 pilot farms sa bayan ng Dinalupihan at inaasahan ni Congresswoman Gila Garcia na mahihikayat din ang iba pang magsasaka sa iba pang bayan sa Bataan na gamitin din ang modern farming technology na ito upang makatulong at makadagdag sa food security ng buong probinsya at maging ng mga kalapit probinsya ng Central Luzon.
The post Modern farming technology, isa sa mga susi sa food security appeared first on 1Bataan.