Ito ang patotoo ni Margie Magluyan ng Brgy. Saysain, Bagac, isa sa mahigit 200 pamilya na magtatapos sa “Pugay Tagumpay ng Sambahayang 4Ps”.
Dati ay napakahirap umano ng kanilang pamilya, may siyam na anak, maliit na bahay, ni wala isa mang appliance at hindi nakapag- aral sa kolehiyo ang mga nakatatandang anak. Subali’t sa pagsisikap at pagtutulungan ng bawa’t isa sa natatanggap nila mula sa 4Ps, na ginamit nang tama, unti-unti ay nakapagpa-aral na siya ng mga nakababatang anak sa kolehiyo.
Bilang benepisyaryo ng 4Ps ay nakautang siya sa SEA-K na ginamit upang magkaroon ng tindahan at lumago ito. Sa ngayon ay may maayos na silang tahanan, mga appliances, tricycle at van na ginawa nilang pang- negosyo. Nakabayad din siya ng utang at sa ngayon ay nakababayad na siya ng buwis sa gobyerno.
Bagamat masakit umanong marinig, na ang mga miyembro ng 4Ps ay tamad, pala-asa sa gobyerno at sayang ang mga buwis ng mamamayan na napupunta sa kanila, ay ginawa niya itong hamon para patunayan na may pagbabago ang mga tao mabigyan lang ng tamang oportunidad.
Samantala, sinabi naman ni Mayor Ramil del Rosario sa kanyang mensahe, na nakasalalay sa kanyang sarili ang pag-asenso ng buhay ng tao, at hindi sa iba. Lahat ng tao ay may kani- pinagdadaanan sa buhay, subali’t nasa may katawan na kung papaano niya babaguhin ang takbo ng kanyang buhay. Ipagpatuloy lamang ang magandang ginagawa dahil sa bandang huli ay makakamit din ang minimithing tagumpay. Laging tandaan na ang Pamahalaan ay handang tumulong sa bawat pamilya kung nais nilang mabago ang kanilang buhay.The post “Nai-angat ng 4Ps ang antas ng aming pamumuhay” appeared first on 1Bataan.