Sinimulan na ng Provincial Nutrition Council ang pagdiriwang ng Nutrition Month sa pamamagitan ng isang forum sa Barangay Colo, Dinalupihan, Bataan.
Layunin ng aktibidad na turuan ang mga magulang tungkol sa wastong nutrisyon at diyeta upang maiwasan ang malnutrisyon, obesity, at mabagal na paglaki ng mga bata.
Binigyang-diin ni Provincial Health Office Nutritional Dietician Maria Verna Intal-Sunga ang papel ng mga magulang sa pagbibigay ng tamang nutrisyon sa pagpapanatili ng kalusugan ng kanilang anak.
“Napakahalaga na ang mga magulang ay may kaalaman sa wastong nutrisyon lalo na sa paghahanda ng kanilang pagkain dahil sila ang pangunahing tagapagbigay ng kanilang sambahayan,” pahayag ni Sunga.
Binanggit din ni Sunga ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagsubaybay at pagresolba sa mga kaso ng malnutrisyon sa lalawigan sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Bagama’t sarado na ang mga paaralan at bawal lumabas ang mga bata, patuloy na ipinapatupad ng Barangay Nutrition Scholars ang mga programa kabilang ang roll-out ng micro-nutrient supplements sa mga buntis at bata, deworming, at pamamahagi ng supply ng pagkain sa bawat sambahayan bilang isang alternatibo ng feeding program.
Base sa datos ng nabanggit na tanggapan, bumaba ang kaso ng malnutrisyon sa probinsya.
Bukod dito ay isang katulad na forum ang gaganapin din sa iba pang bayan ng Bataan ngayong Hulyo.
Ang selbrasyon ngayong taon may temang: “New Normal na Nutrisyon, Sama-samang Gawan ng Solusyon.”
Nagsagawa rin ng feeding activity sa naturang barangay na pinangunahan ng National Service Training Program-Civic Welfare Training Service ng Bataan Peninsula State University, MaCoPan Toda, at ng Liaban Group of Farmers Association.
The post Nutrition Month celebration, sinimulan sa Dinalupihan appeared first on 1Bataan.