Pormal nang sinimulan nitong Sabado ang phase 2 ng mega build project, isang economic development venture sa bayan ng Hermosa, na tinatayang popondohan ng kabuuang P4 bilyon.
Sa panayam ng media kay Hermosa Mayor Antonio Joseph “Jopet” Inton ang 24 na kilometrong proyekto na kilala bilang “Hermosa Mega Build Project” ay magdudugtong sa Barangay Mabiga kasama ang iba pang barangay sa Hermosa sa Morong, Bataan at Subic Port Road na magbibigay-daan para sa inter-connectivity ng Hermosa Economic Zone sa Clark International Airport at Bataan Technology Park, na siyang dating Philippine Refugee Processing Center sa Morong.
Dagdag pa ng Alkalde, papasok na ang construction sa Phase 1 ng proyekto na pinondohan ng P300 milyon na ang P200 milyon ay mula kay Senator Richard Gordon at P100 milyon mula kay Senator Sonny Angara.
Sinabi pa ni Mayor Inton na pinondohan din ni Gordon ang paghahanda ng feasibility study ng Phase 2 na tinatayang nagkakahalaga ng P4 na bilyon. “Ito ang isa sa pinakamalaking proyekto sa kasaysayan ng Hermosa,” sabi ni Inton. Ang Department of Public Works and Highways Region 3 at Bataan 1st District Engineering office ang nagpapatupad ng naturang proyekto.
Nanguna sa groundbreaking ceremony sa Mabiga ang munisipyo ng Hermosa sa pangunguna ni Mayor Jopet Inton kasama si Senator Gordon bilang panauhing pandangal. Dumalo rin sa okasyon sina Bataan Gov. Albert Garcia, Vice Gov. Ma. Cristina Garcia, Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III, Atty. Tony Roman III at mga opisyal ng DPWH sa pangunguna ni Assistant Regional Director Denise Maria Ayag.
The post P4-B Mega Build Project sa Hermosa, sinimulan na! appeared first on 1Bataan.