Sa katatapos na groundbreaking ceremony ng 1Bataan Village Housing project na ginanap sa bayan ng Mariveles nitong nakaraang linggo ay binanggit ni Gov. Joet Garcia na di pa man daw nasisimulan ang proyektong Cavite-Bataan Interlink bridge ay pinag-aaralan na nina Undersecretary Emil Sadain ng DPWH ang ng Phase II ng nasabing tulay, at mula sa tulay ay gagawa ng panibagong daan patungong SCTEX, nang sa gayon mula North to South and vice versa ay magiging napakabilis na ng biyahe dahil wala ng trapik.
Sinabi din ni Gov. Joet na sa 6M target na pabahay ni Pangulong BBM sa kanyang termino ay humihingi ng tulong ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa pamumuno ni Sec. Jerry Acuzar sa mga Bataeno para maging matagumpay ang proyekto ng pabahay sa lalawigan; na maipakita natin ang tamang sistema at pakikipagtulungan (1Bataan) nang sa gayon ay gawing “template” ng national government ang lalawigan para mai-replicate ito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Samantala, sa kanyang mensahe sinabi ni Congresswoman Gila Garcia na, upang magkaroon ng matatag na Pilipinas, kailangan ang matatag na lalawigan, matatag na bayan at para maging matatag ang isang bayan kailangan ng isang matatag na sambahayan.
Ang programa sa pabahay, ayon pa kay Cong. Gila ay solusyon para makapagbigay tayo ng de-kalidad na pamumuhay sa ating sambayanan, masolusyunan ang problema ng kahirapan, problema sa buhay, sa isang maayos at abot-kayang pabahay na siyang programa natin ngayon para mapanatili ang kanilang dignidad at makatayo sa sariling paa.
The post Phase II ng Cavite-Bataan Interlink, pinag-aaralan na appeared first on 1Bataan.