Nagbunga ang mahusay na pamamalakad ni Mayor Charlie Pizarro ng Pilar, upang maging drug-free at mapayapa ang kanilang bayan matapos makamit ang mataas na grado mula sa Department. of the Interior and Local Government (DILG). sa katatapos na performance audit ng DILG Provincial Audit Team.
Base sa ibinigay na ulat ng DILG sa resulta ng 2019 at 2021 Peace and Order Council (POC) Performance Audit at 2021 Anti-drug Abuse Council (ADAC) functionality audit, nakakuha ng gradong 99% ang LGU-Pilar sa 2019 performance audit at 99.38% sa 2021 POC performance audit at 100% sa 2021 ADAC functionality audit.
Sinabi ni DILG Provincial Director Myra Soriano na, dito makikita ang mahusay na pamamalakad ng Local Government Unit ng bayan ng Pilar sa pamumuno ni Mayor Charlie Pizarro sa pagpuksa sa iligal na droga at mga krimen, pagpapanatili ng kaayusan at pagtataguyod ng ligtas na pamayanan.
Sa panayam kay Mayor Charlie Pizarro, sinabi nitong, ito talaga ang kanilang nais para sa kanilang bayan, ang maging drug-free, ligtas sa krimen ang mga mamamayan at maging maunlad, kung kaya’t gayun na lang ang kanilang pagsisikap kasama ang lahat ng opisyal ng bayan at mga barangay na magkaisa sa pagpapanatili ng kaayusan ng kanilang lugar.
The post Pilar, nakakuha ng mataas na grado mula sa DILG appeared first on 1Bataan.