Opisyal nang nabigyan ng License to Operate mula sa Department of Health (DOH) ang ambulansya ng Philippine Red Cross (PRC) Bataan Chapter. Matapos ang ilang buwang paghahanda, pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento, at matagumpay na pagpasa sa unit assessment ng DOH, handa na ang kanilang ambulansya na magsilbi sa mga residente ng Bataan sa mga oras ng dagliang pangangailangan.
Sumailalim sa masusing pagsusuri ang PRC Bataan upang masiguro na ang kanilang ambulansya ay pasado sa mga pamantayan ng gobyerno pagdating sa kagamitan, tauhan, at kakayahang tumugon sa medical emergencies. Kabilang sa mga inobserbahan ng Health Facilities and Services Regulatory Bureau (HFSRB) ay ang pagkakaroon ng maayos na communication system, trained personnel sa Basic at Advanced Life Support, at kaligtasan ng pasyente habang nasa biyahe.
Pinuri naman ng pamunuan ng PRC Bataan si Ms. Geralie Marquez, CSR Head, at ang buong Emergency Medical Services (EMS) Team dahil sa kanilang dedikasyon at masigasig na pagtatrabaho upang makamit ang lisensyang ito. Isa itong malaking hakbang sa pagbibigay ng mabilis at maaasahang serbisyo para sa kalusugan at kaligtasan ng mga Bataeño.
The post PRC Bataan, nakakuha ng DOH license appeared first on 1Bataan.