Lumagda kahapon ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa isang Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Corporate Boardroom ng Administration Building para sa pagtatayo ng pabahay para sa mga empleyado sa Subic Bay Freeport Zone (SBFZ).
Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño, ang MOU para sa proyektong pabahay sa loob ng SBFZ ay makikinabang ang mga empleyado ng ahensya. Samantala, sinabi naman ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang proyektong pabahay ay bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “Malaking tulong ang proyektong ito sa mga empleyado ng SBMA lalo na sa mga nasa mababang kita upang magkaroon sila ng abot-kayang pabahay na maaari nilang tawaging tahanan. Salamat Secretary Acuzar sa magandang regalong ito para sa mga manggagawa ng SBMA,” ani Aliño.
Ibinahagi rin ng opisyal ng SBMA na ang Socialized Housing Project ay tatagal ng hanggang 50 taon kung saan ang benepisyaryo ay bibigyan ng Certificate of Ownership of Leasehold Rights imbes na titulo. “Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng limang porsyentong subsidy sa interest rate mula sa DHSUD.
Dagdag pa rito, habang ang regular na interest rate ng PAG-IBIG ay 6.25 porsyento, sa ilalim ng 4PH Interest Subsidy Program ng DHSUD, magiging 1.25 porsyento na lamang ito,” pahayag ni Aliño. Nangako si Secretary Acuzar ng kanyang buong suporta sa mga inisyatiba ng SBMA para sa pabahay ng mga manggagawa at mga locator nito, binanggit niya na ang dating US naval base ay may estratehikong lokasyon at mga imprastruktura na angkop para sa pag-develop ng mga inclusive housing communities sa ilalim ng 4PH.
Dumalo sa seremonya ng paglagda sina DHSUD Undersecretary Emmanuel Pineda, Regional Office 3 Director Julius Enciso, ang SBMA Board of Directors, mga opisyal ng SBMA, at iba pang opisyal ng DHSUD.
The post SBMA, DHSUD lumagda ng MOU para sa pabahay ng mga empleyado appeared first on 1Bataan.