Pormal nang ipinasa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Department of Finance (DOF) ang ₱1,465,478,485.70 na kita ng ahensya sa isang seremonya noong Hulyo 14, 2025 sa DOF Building, Bangko Sentral ng Pilipinas Complex sa Maynila.
Ipinrisinta ni SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño ang mock check kay Finance Secretary Ralph Recto bilang patunay ng patuloy na paglago ng ekonomiya sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.
Ayon kay Secretary Recto, ang malaking halaga ng dibidendo ay patunay ng maayos na pamamahala at ambag ng SBMA sa pagpapalakas ng pondo ng pamahalaan nang hindi nagtataas ng buwis.
Binanggit ni Chairman Aliño na ang halagang ipinasa ay binubuo ng 50 porsyento ng netong kita ng 2024 na umabot sa ₱798.2 milyon, at ang natitirang ₱667.2 milyon bilang huling bayad para sa dibidendo noong 2022.
Dagdag pa ni Secretary Recto, patuloy na inaasahan ang SBMA na magsilbing modelo ng isang matagumpay na economic zone sa bansa. Hinimok niya ang SBMA na ipagpatuloy ang inobasyon at pagpapataas ng pamantayan upang higit pang mahikayat ang mga dayuhang mamumuhunan na piliin ang Subic bilang tahanan ng kanilang negosyo.
The post SBMA, nag-remit sa Pamahalaang Nasyonal ng P1.465-Bilyong kita appeared first on 1Bataan.